Lalaking nagsukbit ng baril sa baywang hinuli ng mga pulis

CAMARINES NORTE – Inaresto ng mga pulis ang isang lalaking nahuling may sukbit ng baril sa baywang sa bayan ng Basud, Camarines Norte.

Ayon sa ulat ng Basud Municipal Police Station, nakatanggap sila ng tawag linggo ng gabi, February 26, mula kay Punong Barangay Jesus Salomon ng San Pascual na humihingi  ng police assistance ukol sa isang lalaking diumano’y may dala-dalang baril.

Agad na rumisponde ang kapulisan at pagdating sa lugar ay nakita ang lalaki na kinilalang si alyas “Andoy” 57 na armado ng baril na nakasukbit sa kanang baywang  kaya agad itong inaresto.

Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre  ng 38 baril na kargado ng anim na bala ngunit walang kaukulang dokumento.

Sa ilalim ng umiiral na batas ipinagbabawal ang pag- display ng baril ng isang sibilyan kahit pa ito ay mayroong Permit to Carry Firearms Outside of Residence o PTCFOR.

Mayroong iba’t ibang pahintulot na ibinibigay ang Firearms and Explosives Division ng PNP sa mga nais magmay-ari at magdala ng baril sa mga pampublikong lugar.

Kinakailangan ng lisensiya bago magmay-ari ng baril at ng “permit to carry” upang madala ang baril sa mga pampublikong lugar.

Gayunman hindi dapat ilabas ang baril sa publiko at nakatago lamang sa protective case.

Mahaharap si alyas Andoy sa kasong  illegal possession of firearms and ammunition na nasa kustodiya ngayon ng Basud MPS.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *