LEGAZPI CITY – Binigyang-diin ng Legazpi City Business Permit and Licensing Office (BPLO) na papatawan na nila ng penalidad ang sinumang magrerenew ng kanilang business permits na lampas na sa itinakdang peryodo.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay BPLO head, Siony Viñas, sinabi niyang tapos na umano ang itinakdang schedule ng renewal ng business permits.
Kung matatandaan, aniya, magtatapos dapat ang renewal noong Enero 20, ngunit na-extend ito hanggang noong Pebrero 28 alinsunod sa Joint Memorandum Circular ng Department of Interior and Local Government (DILG) nang walang penalidad.
Ngayon umano ay Marso na, kaya kung mayroon pang magre-renew ng permits o lisensya, mayroon na itong penalty.
Sa ngayon, ang naisyu pa lamang nila na mga business permits ay nasa 5,168, kung saan ang 4,912 nito ay renewal at 256 ang mga bagong permit o lisensya.
Sa datos umanong ito ay marami pang mga hindi nakakapagrenew.
Ayon kay Viñas, ngayong buwan ay nagsimula na ang kanilang inspection team na mag-ikot sa mga negosyante upang paalalahanan ng tungkol sa kanilang business permits.