LGU Basud hindi magpapatupad ng lockdown makaraang magpositibo sa delta variant ang isang 11 anyos na bata, madugong testing at contact tracing asahan na

CAMARINES NORTE- Inihayag ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Basud, Camarines Norte na hindi ito magpapatupad ng lockdown sa kabila ng pagpopositibo sa Delta variant ng isang 11 anyos na bata mula sa Barangay Poblacion 1.

Ang pasyente ay isa lamang sa 21 bagong kaso ng Delta variant sa lalawigan ng Camarines Norte batay sa resulta ng random testing ng Philippine Genome Center.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Mayor Adrian Davoco inihayag nito na walang pangangailangang magpatupad ng granular lockdown dahil nadala na sa pasilidad ang mga close contact ng pasyente mula sa first hanggang third generation.

Mangyayari lang umano ang lockdown kung hindi na kakayanin ng mga pasilidad ng LGU na i- accommodate ang mga nagpopositibo sa sakit at ang mga close contacts.

“Right now po kinakaya pa naman ng mga facilities natin from Taisan TTMF then yung Sunzu yung mga close contacts, tapos ito pong mga Barangay Isolation Units nagagamit po natin yung mga yun at kinakaya pa naman po,” ani Davoco.

Nasa 21 katao ang mga na- identify na close contact ng pasyenteng nagpositibo sa Delta variant mula first hangggang third generation na lahat ay nasa pasilidad na at isasailalim sa swab test.

Nang ipaalam daw kasi sa LGU noong Martes gabi ang hinggil sa pagpositibo sa Delta variant ng pasyente ay agad nang nag- ikot ang contact tracing team upang hanapin ang mga nakasalamuha nito at dalhin sa pasilidad.

Ayon sa Alkalde, na- tag nang recover ang pasyente noon pang Setyembre.

Aminado naman ang opisyal na magiging madugo at pahirapan ang testing at contact tracing.

Aniya, dahil ang kaso ay variant of concern kahit mag negatibo pa sa swab test ang mga close contacts ay kailangang tapusin ng mga ito ang 14- day quarantine alinsunod sa guidelines ng DOH.

Mayroon nang 11 close contact ang unang na – swab habang kahapon ay inaasahang isasailalim din sa naturang test ang nalalabi pang 10.

Aminado ang Alkalde na hindi matatapos ang testing at contact tracing hanggat hindi nakakarekober lahat ng mga close contacts ng naunang nagpositibo.

“Mag stay sila ng 14 days, ang sinasabi po ng DOH kaya po sila ipapa- swab para mag continue yung contact tracing, so kapag yung 2nd and third generation magpositive magkakaroon po sila ng another contact tracing from the start na sila po ay nakasalamuha nung present zero natin, yung unang nagpositive sa Delta.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *