LEGAZPI CITY – Hinihikayat ng Local Government Unit (LGU) ng Camalig, Albay ang mga medical professionals at iba pang mga kawani sa ilalim ng Municipal Health Office (MHO) na mas paigtingin pa ang kalidad ng kanilang ibinibigay na healthcare services sa publiko upang matiyak ang clientele satisfaction.
Ayon kay Mayor Caloy Baldo, dapat maibigay sa publiko ang kanilang ipinangakong dekalidad na serbisyong pangkalusugan at kinakailangang ipagpatuloy ng mga healthcare workers ang kanilang pagiging maayos na public servant.
Tinalakay din sa pagpupulong ang mga hakbang upang mas mapabuti ang kanilang serbisyo, karagdagang interbensyon at pamamaraan na maaaring gamitin upang mas mapahusay ang serbisyo.
Dagdag pa nito, itinampok rin ng alkalde ang pagtatatag ng Superhealth Center sa Iluluan, Camalig, Albay na magbibigay ng pantay na access sa mga serbisyong pangkalusugan sa komunidad.
Sinabi pa ng opisyal, ang naturang hakbang ay alinsunod sa pangako ng LGU sa pagpapalawak ng mga programa at serbisyong pangkalusugan, kalinisan, at pangkalikasan.