LEGAZPI CITY – Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Camalig, Albay na kanilang pupuntahan at iinspeksyunin ang kinaroroonan ng isang poultry farm sa Sitio Tinigiuban, Brgy. Caguiba na mayroong inirereklamong fly infestation.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Camalig Public Information Officer Tim Florece, sinabi nito na bagama’t wala pang kumpirmasyon mula sa punong barangay tungkol sa nasabing isyu, bibisitahin nila ang nasabing poultry farm.
Ayon kay Florece, kung makukumpirma kasi na totoo ang inirereklamo ng ilang mga residente, nangangahulugan na hindi lamang isang aspeto ang tututukan, hindi lamang kalusugan kundi maging ang sanidad sa area of responsibility nito.
Kanila umanong aatasan ang sanitation team at Municipal Health Office upang magsagawa ng mga nararapat na interbensyon sapagkat hindi lamang mga livestock ang maaapektuhan kundi maging ang kalusugan ng mga residenteng nakatira sa kaparehong barangay o sa mga karatig lugar.
Unang gagawin aniya ay ang disinfection at nakahanda naman ang kanilang team para rito.
Samantala, tiniyak naman ni Florece na sa oras na makumpirmang hindi sila sumusunod sa ipinatutupad na protocol na may kinalaman sa kalinisan, psoibleng maipasara ang poultry farm ngunit magsasagawa pa naman ng assessment.