LGU-Castilla, maghihigpit ng sinturon dahil sa pagbaba ng national tax allocation na epekto ng Covid-19 pandemic

Maghihigpit ng sinturon ang Pamahalaang Bayan ng Castilla sa paglaan ng pondo sa mga proyekto dahil sa pagbaba ng National Tax Allocation na lubos na naapektuhan dahil sa Covid-19 pandemic kung saan halos 14 na porsyento ang ibinaba sa pondo ng mga LGU sa bansa.

Ayon kay Mayor Isagani Bong Mendoza, uunahin umano nilang paglaanan ng pondo  ang mga mahahalagang social services.

Sa katunayan, nagbawas na aniya ang LGU ng mga job orders at kinausap na  niya ang mga ito na magkakaroon ng palitan sa bawat tatlong buwan.

Ibig sabihin, ang matatanggal ngayong buwan ng Enero ay babalik pagkalipas ng tatlong buwan at ang nanatili ngayong buwan ay sila naman ang papalitan ng mga natanggal.

Ito aniya ang naging paraan ng Pamahalaang Bayan upang kahit papaano ay may mapagkakakitaan pa rin ang kanilang mga job orders.

Bagama’t mahirap para sa kanila ang magtanggal ng manggagawa, wala umano silang mapagkukunan ng pera para sa tuloy-tuloy na sahod ng mga ito.

Sa ngayon, isa sa mga nakaabang na proyekto ng Pamahalaang Bayan ang paglalagay ng solar panel para sa lahat ng opisina ng municipal hall.

Investment umano ito ng lokal na pamahalaan upang mapababa din ang kanilang bayarin sa kunsumo sa kuryente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *