LGU Naga tiniyak maibibigay na ang cash incentives sa mga atletang nakasungkit ng medalya sa nangyaring Modified Palarong Bicol 2023; pondo hinihintay na lamang

NAGA CITY – Inihayag ni City Mayor Nelson Legacion na maibibigay na ng City Government ang cash incentives sa mga atletang nakakuha ng medalya sa nangyaring Modified Palarong Bikol 2023, kung saan nagover-all champion pa nga ang lungsod.

Sa ginawang press conference, sinabi ni Legacion na kayang-kaya nilang maibigay sa mga atleta ang halagang tatlong libong piso sa bawat medalyang ginto na nakuha ng mga ito, tig-dalawang libong piso naman sa silver medal at tig-iisang libong piso naman sa bawat bronze medal.

Ang Naga City ay nakakuha ng 76 na medalyang ginto, 58 silver at 69 bronze medal na sa pangkalahatan ay nasa 203 medalya lahat na mahigit 500 libong piso ang katapat na halaga na makukuha ng mga atleta.

Batay sa paliwanag ng Alkalde, may pondo na silang nakuha at hihintayin na lamang niyang mapasakamay ang naturang halaga at agad na ibibigay ito sa mga atleta.

Muli pinasalamatan niya ang mga magulang at coaches na naging kaagapay nila sa tagumpay ng Naga City sa Modified Palarong Bicol 2023.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *