LGU sa Camarines Sur pabor pero may agam-agam sa IRR ng ayuda sa Solo Parent na pinirmahan ng DSWD

NAGA CITY—Ikinatuwa ng marami lalo na ng mga Solo Parent sa bansa ang P1K na ayudang matatanggap mula sa mga Local Government Unit matapos pirmahan ni Department of Social Welfare and Development o DSWD ang IRR o Internal Rules and Regulation ng RA 11861 o ang “Expanded Solo Parents Welfare Act”.

Sa Lagonoy kung saan aktibo ang asosasyon ng mga Single Parent ay sinabi ni Vice Mayor Jerry Jake Remoto na welcome development ito para sa naturang grupo na bukod sa mga dati nang benepisyong natatanggap sa ilalim ng batas ay mabibigyan pa sila ng financial aid.

Sa kabila nito, may agam-agam si Remoto na hanggat wala pa aniya ang general guideline na ibaba sa kanila ay hindi pa sila makakasiguro na maibibigay nga ito sa kanila.

Hindi pa kasi nila alam kung monthly basis ba ang pamimigay nito o yearly.

Kung kada buwan ay tiyak aniyang mamumulubi sila dahil hindi kakayanin ng budget ng Munisipyo ang pagpopondo para dito pero kung quarterly o yearly ay tiyak aniyang mahahanapan ito ng paraan para mabigyan ng pinansyal na tulong ang mga nagsosolo sa buhay.

Samantala, bukod sa P1,000 na subsidy galing sa LGUs ay makakatanggap rin ng 15% discount ang mga ito para sa mga biniling school supplies, 20% discount para sa hospital bills, VAT exemption sa pagbili ng gatas, diaper at iba pa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *