LEGAZPI CITY – Itinanggi ng lokal na pamahalaan ng Sto. Domingo, Albay sa pangunguna ni Municipal Mayor Jun Aguas ang isyu na uutang o maglo-laon umano ang kanilang tanggapan upang pondohan ang itatayong community college sa nabanggit na bayan.
Ito ay matapos na maglabas ng saloobin at pahayag ang ilan sa publiko at konsehal na magrerequest ng loan ang LGU upang bigyang budget ang nasabing kolehiyo.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi sa alkalde, binigyang-diin nito na hindi naman uutangin ang pondong gagamitin para rito, dahil kung mag-aaply umano ng loan ay maaaring sa hinaharap pa.
Aniya, gagamitin nila ang pondo mula sa kanilang LGU na inilaan mula pa noong nakaraang taon hanggang sa ngayon.
Dagdag pa niya, noong 2022, mayroong silang inilaan na karagdagang PHP 2M at PHP 3M at ngayong taon ay mayroong dagdag na PHP 5M, at isa pang PHP 7.5M.
Salungat naman ito sa inihayag ng isang konsehal sa bayan na isa sa mga bumotong “NO” sa pagpapasa ng ordinansang may kinalaman sa pagtatayo ng nasabing kolehiyo.
Sinabi ng konsehal na may batayan ang kanilang desiyong hindi pagpayag sa pagpasa ng ordinansa at ang isa rito ay may kinalaman sa availability ng pondo, kun saan ang LGU umano ay maglo-loan ng PHP 130M, kung saan PHP 10M ang ilalaan sa kolehiyo batay umano sa ipina-receive sa sangguniang bayan.
Payag naman umano siyang mag-certify tungkol sa availability ng pondo upang mabigyang-linaw ang publiko na kathang-isip lamang ang sinasabi ng ilan na mula sa loan ang gagamiting pondo at paalalahanang huwag basta-bastang maniniwala sa mga impormasyon.