Patay ang isang lineman matapos makuryente habang nagkukumpuni ng linya ng kuryente sa isang under-construction residential building sa San Carlos, Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela noong May 6, 2021.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa Cauayan City Police Station, kinilala ang biktima na si Russel Flores, 36-anyos, may asawa line-man ng Iselco I at residente ng Brgy. Dalenat, Angadanan, Isabela.
Ayon sa pulisya, dakong alas-9 ng umaga kahapon nang i-report ni Jose Rey Alvarez, foreman ng Iselco I sa kanilang tanggapan ang nangyaring electrocution sa kaniyang kasama.
Una rito, ang biktima at ang kaniyang kasama ay kinausap umano ni Engr. Dennis Cruel na i-shut down ang transformer na kumokunekta sa electric post.
Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP Cauayan, na habang ini-install ni Flores ang “cutout” ay binuksan ni Jayson Oreña, 28-anyos, binata, isang welder at residente ng Brgy. Tandol, Cabatuan, Isabela ang generator sa loob ng naturang gusali dahilan upang makuryente ang biktima.
Sinubukan pa umanong dalhin sa ospital si Flores subalit binawian din buhay habang nilalapatan ng lunas.
Samantala, ikinustodiya ng pulisya si Oreña na tumanggi nang magbigay ng pahayag at posibleng maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamunuan ng Iselco-I sa pagkasawi ng isa sa kanilang line man at ayon sa kanila nagsilbi si Flores sa loob ng 11 years.
|ISELCO 1