Linya ng komunikasyon sa Batanes, pahirapan pa rin; suplay ng kuryente hindi pa bumabalik

Pahirapan pa rin ang pakikipag-ugnayan ng Office of Civil Defense Region 2 sa lokal na pamahalaan sa probinsya ng Batanes matapos maapektuhan ang linya ng komunikasyon dahil sa pananalasa ng bagyong Kiko.

Ito ang inihayag ni OCD Region 2 Information Officer Michael Conag sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.

Ayon sa kaniya, nakakakuha sila ng impormasyon kaugnay sa kalagayan sa probinsya sa pamamagitan ng radyo ng PNP at Marine sa mainland Basco, Batanes.

Sa kasalukuyan ay hindi pa bumabalik ang suplay ng kuryente sa lugar dahil maraming poste ang nasira at natumba dahil sa bagyo.

Nag-request na umano sila ng air relief papuntang Batanes at nakaschedule bukas kung maganda ang lagay ng panahon batay sa kanilang ginawang pagpupulong upang ma-assess ang kalagayan ng mga residente roon.

Aniya, pangunahing pangangailangan nila doon ang generator set para sa tuloy-tuloy na komunikasyon.

Sa ngayon ay hinihintay pa nila ang report kaugnay sa halaga ng mga pinsala sa imprastraktura sa lalawigan.

Malaki naman ang pagpapasalamat ni Information Officer Conag dahil wala namang naitalang casualties o nawawala sa paghagupit ng bagyong Kiko.

Photo/ Opal Bala

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *