Lola, ginahasa at pinatay; suspek nahuli sa naiwan na cellphone  sa crime scene

Karumal-dumal na krimen ang sinapit ng isang 73 anyos na lola dahil ginahasa ito at pinatay sa Bgy. Mabini El Nido, Palawan.

Ayon sa source ng Brigada, bago mag alas-dos ng umaga ng Sabado, May 14, 2022 nang makitang patay na ang biktima (sadyang hindi pinangalanan) ng kanyang anak sa damuhan na wala ng pang- ibabang kasuotan.

Base sa initial findings sa post mortem ng biktima, nagtamo ito ng traumatic head  injury o pinsala sa ulo.

Papauwi na umano ang biktima sa tahanan nang biglang siyang harangin ng suspek na naka-inom na kinilalang si Rolly Cabalda Ultra, 31 anyos, karpintero, residente ng Purok Masagana, Mabini, El Nido.

Bago makitang patay ang biktima ay may nakarinig na nakausap pa nito ang suspek ganap na alas-nwebe ng gabi ng Biyernes ,May 13, 2022, ayon sa PNP.

Samantala, agad na nahuli ang suspek matapos marekober sa ilalim ng bangkay ng biktima ang kanyang cellphone.

Ito ang nagturo sa pulisya sa kanyang tinitirhan sa Barangay Mabini at kanyang inamin na kanya ang cellphone subalit todo-tanggi ito sa krimen.

Nakatakda nang i-drug test ang suspek na nahaharap sa kasong rape with homicide.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *