LPA, Amihan, mananalasa sa bansa ngayong Lunes

Mananalasa ang low pressure area (LPA) at Northeast Monsoon o Hanging Amihan sa bansa ngayong araw ng Lunes.

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang LPA sa layong 300 kilometro Silangan Timog-Silangan ng Davao City.

Magdadala ang naturang weather system ng katamtamang hanggang sa malalakas na pag-ulan sa Bohol, Camiguin, Misamis Oriental, Saranggani, South Cotabato, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Eastern Visayas, Caraga, at Davao Region.

Maging handa sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa mga pag-ulan dulot ng LPA.

Gayunpaman, mababa pa rin umano ang tyansang maging ganap na bagyo ang LPA, at mas malaki ang posibilidad na ito ay malusaw.

Samantala, makararanas naman ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Bicol Region, Quezon, Marinduque, Romblon, at Aurora dala ng Hanging Amihan.

Northeast Monsoon din ang magdudulot ng katamtaman hanggang sa maulap na papawirin na may kasamang mahihinang pag-ulan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.

Makararanas naman ng katamtaman hanggang sa maulap na papawirin at kalat-kalat na mahihinang pag-ulan ang buong bansa bunsod ng localized thunderstorms.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *