LTO naginspeksyon sa bus terminal kahapon sa harap ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong kapaskuhan

CAMARINES NORTE- Nagsagawa ng mabilisang inspeksyon ang mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) kahapon sa bus terminal dito sa bayan ng Daet sa harap ng inaasahang unti- unti nang pagdagsa ng mga pasahero ngayong kapaskuhan.

Bahagi ito ng Oplan Pasko 2022  ng ahensiya na layong masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero at mga motorista.

Kapag ganitong panahon kasi ay tumataas ang bilang ng mga sasakyan sa mga kalsada kaya kailangang masiguro ang pagkakaroon ng road safety para sa kaligtasan ng mga biyahero.

Una nang inatasan ni LTO Chief Asst. Sec. Jayart Tugade ang lahat ng regional offices ng LTO na aktibong magsagawa ng mga aktibidad bilang paghahanda sa pasko.

Noong nakaraang linggo ay sinimulan naman ng PNP Highway Patrol Group sa lalawigan ng Camarines Norte ang operasyon laban sa mga isnabero at mapagsamantalang mga driver ng mga pampublikong sasakyan.

Dito ay nagpaalala si HPG Provincial Officer PMaj Loreta Salgado sa mga driver ng pampublikong transportasyon na huwag mamili ng pasahero at iwasan ang paniningil ng sobra.

Ayon sa opisyal kapag nakatanggap sila ng reklamo ay magsasagawa ang HPG ng panhuhuli.

Samantala, bago naman nagsagawa ng inspeksyon sa terminal ang LTO Daet District personnel kahapon ay nagsagawa muna ito ng checkpoint sa may bahagi ng Basud.

Anim na motorista ang naisyuhan ng ticket dahil sa iba’t- ibang violations.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *