LTO, pinag-aaralan na ang pagpapababa ng multa para sa mga hindi rehistradong top box at saddle bag

LEGAZPI CITY – Pinag-aaralan na ng Land Transportation Office (LTO) Central Office na pababain ang halaga ng multa sa mga nagmamay-ari ng motorsiklo na mahuhuling hindi rehistrado ang kanilang top box at saddle bag.

Ayon sa LTO Bicol, kinakailangang isama sa pagpaparehistro ng kanilang motorsiklo ang pagpaparehistro ng top box at saddle bag.

Sa ngayon kasi ay sinuspindi muna ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III ang paninita at panghuhuli sa mga nakamotorsiklo na may top box at saddle bag na maaaring hindi rehistrado o hindi nakasunod sa pamantayang pangkaligtasan na itinakda ng opisina.

Layon ng suspensyon na mairepaso o muling pag-aaralan ang memorandum ng LTO noong Marso 2016 na may pamagat na “Guidelines on Inspection and Apprehension Relative to Motorcycle Top Boxes and Saddle Bags.”

Sa gitna ito ng mga reklamo ng ilang mga nahuhuling motor rider na mayroong top box at saddle bag na hindi rehistrado, customized o hindi pasado sa pamantayan ng Department of Trade and Industry (DTI) at LTO sa P5,000 multa para sa paglabag.

Sinabi ng tanggapan na patuloy na hinihikayat ng LTO ang mga motorcycle riders na iparehistro ang top box at saddle bag upang matiyak na nakasusunod ito sa pamantayan para sa pansariling kaligtasan at ng publiko.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *