LEGAZPI CITY – Aminado ang lokal ng pamahalaan ng Legazpi na magiging problema ang paglalagyan o paglilipatan ng mga mahuhuling may diperensya sa pag-iisip sa lungsod.
Kasunod ito ng mga naiulat na mayroong mga taong may diperensya sa pag-iisip na nananakit sa mga dumaraan.
Ayon kay Mayor Geraldine Rosal, kung noon ay maaaring dalhin sila agad sa Cadlan Mental Hospital, subalit sa ngayon ay nagbago na, kung kaya’t hindi na ito basta-bastang dadalhin lamang sa kanilang lugar.
Aniya, may mga proseso nang sinusunod bago sila dalhin sa nasabing pasilidad.
Dahil dito, nakikiusap ang alkalde sa mga pamilya na kung maaari ay sila ang gumawa ng wastong treatment upang hindi na sila lumabas ng tahanan at hindi na rin makapanakit ng mga tao sa kalsada.
Sakali mang hindi na ito kayanin ng pamilya sa pag-aalaga, maaari naman silang makipag-ugnayan sa City Social Welfare and Development Office (CSWD) upang mabigyan ng wastong treatment at maisagawa ang tamang proseso.