NAGA CITY – Mararanasan pa ang patuloy na mabigat na trapiko sa lungsod ng Naga hanggang sa Disyembre taong kasalukuyan.
Ito ay dahil sa patrabaho, partikular sa Balatas Road hanggang Cararayan, at sa Del Rosario, kung saan mas inaasahan pa ang lalong pagbigat ng trapiko dahil sa nalalapit na Christmas Season.
Sa naging pahayag ni Executive Director ng City Public Safety Office, Renne Gumba, may mga interbensyon na silang ginagawa, katulad ng paglimita ng pagpapadaan sa Rotanda, Panganiban at Magsaysay Road. Ang mga bus at mga truck, pansamantala na munang pinadadaan sa Almeda Highway, upang kahit papaano ay mabawasan ang trapiko. Pangalawa, may mga nakadeploy na mga personahe lalo na sa Rotonda, upang maiwasan ang lalong pagbuhol-buhol ng mga sasakyan, pangatlo aagahan ang paglatag o augmentation ng mga personahe sa Disyembre, mobilization ng mga force multiplier para sa Christmas Season.
Ayon pa sa opisyal, magkakaroon din ng mga hiwalay na pag-uusap sa mga establisemento, bilang maagang preparasyon dahil na rin sa mas maraming tao ang inaasahang ngayong holiday season.