Mag-inang Fil-Am binugbog sa New York dahil sa pagiging Asian

Patuloy na pinaghahanap ng New York Police Department Crime Stopper ang tatlong suspect na sinasabing kabilang sa pambubugbog sa mag-inang Filipino-American.

Sa kuwento ng biktimang si Cecille Martinez, ibinaba silang mag-ina ng kanyang kapatid sa Roosevelt Avenue nang businahan sila ng puting SUV.

Sinabi ni Martinez na naka-red light naman noong panahon na iyon at nasa tamang babaan din naman sila pero tila galit na galit ang mga sakay ng puting SUV kung saan sinisigawan pa sila ng “Ugly Asians” ng mga ito.

Inakala nilang hindi na lalaki ang gulo dahil hindi na nila pinansin ang mga ito pero nang patawid na sila ay nilapitan sila ng mga ito at sinabuyan ng tubig.

Aminado naman itong dahil sa pagkabigla, binato niya ang mga ito ng dala niyang pagkain dahilan para bumaba ang mga ito saka nangyari ang pambubugbog.

Kinumpirma din ni Martinez na huli niyang naalala ay nawalan siya ng malay sa unang suntok na kanyang natanggap na dahilan kaya hindi na nakapanlaban ang kanyang anak na miyembro ng US Marines dahil sa pag-aalala nito sa kanyang sinapit.

Makikita din sa video na hawak ng NYPD na tinangka pang sagasaan ng mga suspect ang mag-ina.

Samantala, tiniyak ng mga otoridad na tututukan nila ang kaso at mabibigyan ng hustisya ang mga biktima. (LNM)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *