Maging malaya sa banta ng COVID- 19, dalangin ng Muslim Community sa Camarines Norte sa pagdiriwang ngayong araw ng Eid’l adha

CAMARINES NORTE- Sama- samang nagtipon at nagdasal ang Muslim Community sa anim na Mosque sa lalawigan ng Camarines Norte sa pagdiriwang ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ngayong araw.

Pasado alas 6 ng umaga kanina ay sabay- sabay na nagdasal ang mga Muslim bilang pagtupad sa tagubilin ng Allah.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Nasro Rasul, miyembro ng Muslim Community dito sa bayan ng Daet inihayag nito na ang pinakadalangin nila ngayong taon ay ang magampanan ng bawat isa ang kanilang misyon sa buhay.

Dalangin din umano nila na maging malaya sa banta ng COVID- 19 hindi lang ang mga Muslim kundi ang lahat ng tao sa mundo at maging maayos ang pamumuhay ng bawat isa.

“Pinaka- wish po namin ay sana lahat ng Muslim dito sa mundo ay magampanan nila yung lahat ng iniuutos ng Allah kasi yun lang naman ang purpose bilang isang Muslim kung paano niya magampanan yung kung ano ang misyon niya dito sa mundo,” ani Rasul

“Ang pinakamalaking dinadalangin namin ay mawala yung mga ganitong sitwasyon natin na Covid, maging malaya ang lahat ng mga tao at magawa nilang lahat ang kanilang gawin at nang walang problema bawat isang tao sa pulong ito at hindi lang Muslim ang pinapanalangin namin, buong sangkatauhan dito sa mundo eh maging maayos ang pamumuhay.”

Ang Eid’l adha ay ang paggunita sa sakripisyo ni Abraham sa pag- aalay ng kaniyang anak na si Ismael sa Allah.

Hudyat din ito  ng pagsisimula ng hajj o paglalakbay sa banal na lungsod ng Mecca sa Saudi Arabia, ang sentro ng relihiyong Islam.

Ang Hajj ay itinuturing ng mga muslim na spiritual climax ng kanilang buhay at isa sa pinakamahalagang event sa Islam.

Paliwanag ni Rasul ang Hajj pilgrimage ay obligasyon ng mga Muslim na may kakayahang bumiyahe patungo sa naturang lugar.

Pero kung wala naman umanong kakayahan ay sapat na ang gawaing pagsamba at pagawa ng mabuti upang makatanggap ng gantimpala.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *