Magsasaka at aso, patay matapos tamaan ng kidlat sa Batangas City

BATANGAS CITY – Patay ang isang magsasaka habang sugatan naman ang tatlong iba pa matapos na tamaan ng kidlat sa Brgy. Libjo, Batangas City, pasado alas-2 ng hapon kahapon kasabay sa malakas na pagbuhos na ulan.

Kinilala ang biktima na si Jonathan de los Reyes, 34-anyos, residente ng Barangay Soro-Soro Karsada ng naturang lungsod.

Sa panayam ng Brigada News FM Batangas kay EBD Monitoring Head Armando Lazarte, sinabi nitong nagpapahinga habang sumilong sa tolda ang biktima kasama ang kapwa magsasaka na si Jomari Agustin Perez, 18 anyos; Joel De los Reyes, 45 anyos at Reynante Bune, 36-anyos, nang bigla na lamang umanong tumama ang malakas na kidlat sa kanilang kinaroroonan.

Sa lakas ng impact ay tumalsik umano mula sa papag si Joel mula sa pagkakahiga sa papag habang si Jonathan naman ay wasak ang suot na pantalon at brief.   

Si Jomari naman ay sa mukha ang tama at halos hindi na makakita samantalang si Joel ay tinamaan naman sa binti.

Hindi naman napuruhan si Reynante dahil nasa dulo ang kanyang kinaroroonan at siya ang nakahingi ng saklolo.

Dinala sa ospital si Jonathan at na-comatose ng ilang oras hanggang sa tuluyang binawian ng buhay kaninang ala-una ng madaling araw.

Patuloy na nagpapagaling sa ngayon sa ospital si Jomari at hindi pa rin umano nadidilat ang kanyang mga mata.

Dagdag pa ni Lazarte na ayon sa salaysay ni Reynante, halos na black-out ang kanyang paligid ng matauhan kasunod sa malakas na pagtama ng kidlat.  

Napag-alamang bago pa ang insidente ay nag-aabono ng mga pananim na talong sina Jonathan at Jomari at sumunod lamang si Joel, may-ari ng taniman at Reynante para mamimitas ng mga gulay para sa kanilang mga order.  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *