Dead on the spot ang isang magsasaka matapos siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa kanyang tahanan sa Purok 1. Brgy Disusuan, San Mariano, Isabela.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PCpl. Santos Ignacio, ang imbestigador ng PNP San Mariano, kinilala ang biktima na si Sandro Baria, 45-anyos, at residente sa nabanggit na lugar.
Batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, maliligo na sana ang biktima sa kanilang banyo na nasa labas ng kanilang bahay nang siya ay paputukan ng maraming beses gamit ang improvised shot gun.
Narinig naman umano ng misis ng biktima ang mga putok ng baril mula sa labas at ang sigaw ng biktima.
Ayon pa kay PCpl. Ignacio, nakatakbo pa sa loob ng kanilang kusina ang biktima at napayakap sa asawa hanggang sa matumba at binawian ng buhay.
Nagtamo ng limang tama ng bala ng baril sa kanyang katawan na dahilan ng kanyang agarang kamatayan.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang piraso ng steel pipe na hinihinalang improvised barrel para sa improvised shot gun.
Samantala, sa pakikipag-ugnayan ng imbestigador sa misis ng biktima, wala naman umanong alam na kaalitan ng kanyang asawa.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon ng PNP San Mariano para sa ikadarakip ng suspek.
Photo: San Mariano-PNP