Magsasaka, patay matapos malunod sa San Manuel, Isabela

Hindi na nakauwi nang buhay sa kanilang tahanan ang isang 25-anyos na magsasaka matapos malunod sa main irrigation canal sa Brgy. Banbanuang, San Manuel, Isabela.

Kinilala ang nasawi na si Justin Asuncion at residente sa nabanggit na lugar.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PMAJ. Jose Torrijos, ang hepe ng San Manuel Police Station, nagpaalam umano ang biktima sa kaniyang ina na maliligo sa naturang irigasyon bandang alas-10 ng umaga noong May 29, 2021 at nakauwi pa naman sa kanilang bahay.

Subalit sa ikalawang pagkakataon na naligo siya bandang alas-2 ng hapon ay hindi na nakabalik si Asuncion.

Kinabukasan ay natagpuan ng mga otoridad ang palutang-lutang na katawan ng biktima sa layong 50 metro mula sa lugar kung saan niya iniwan ang tsinelas at damit nito.

Ayon kay PMaj. Torrijos, naniniwala naman ang ina ni Asuncion na nalunod ang magsasaka dahil madalas umanong magtungo roon ang anak para maligo lalo na at mainit ang panahon.

Napag-alaman din na hindi ito ang unang pagkakataon na mayroong naitalang kaso ng pagkalunod sa lugar dahil mayroon na rin umanong naitala noong mga nakalipas na taon.

Sinabi pa ni PMaj. Torrijos, may mga bahagi ng naturang irigasyon ang mababaw at malalim kung saan posibleng sa malalim na bahagi lumangoy ang biktima na sanhi ng pagalunod nito bagaman hinihintay pa ang resulta ng isinagawang post mortem examination sa kaniyang katawan.

Makikipag-ugnayan naman ang pulisya sa mga opisyal ng barangay na mag-ikot sa kanilang nasasakupan malapit sa main canal upang mabantayan ang mga naliligo sa lugar lalo na at nagpapakawala ng tubig ang magat dam.

Pagbabawalan din nila aniya ang pagligo doon ng mga bata upang maiwasan ang ganitong insidente.

Photo/ Mdrrmo San Manuel

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *