Maguindanao Massacre 13th anniversary, ginunita sa pamamagitan ng torch parade

Nagsagawa ng torch parade ang mga miyembro ng lokal na midya ng Sorsogon at advocates bilang paggunita sa ika-13 taon matapos ang Maguindanao Massacre.

Bitbit ang mga sulo at tarpaulin, magkasabay na nagmartsa mula Sorsogon National High School sa Magsaysay St. patungong Freedom Park sa Capitol Compound ang mga lumahok na kinabibilangan ng mga lokal na midya ng iba’t-ibang istasyon ng radyo, print media, opisyal at miyembro ng NUJP at KBP, opisyal at miyembro ng Phil Online Broadcasting Association (POBA) Sorsogon Chapter at ang progesibong grupo ng KARAPATAN para alalahanin ang 58 biktima ng masaker kung saan ang 32 dito ay mula sa media.

Idinagdag din sa isinagawang mga statement of support and condemnation ang hanggang sa ngayon ay ‘’unsolved’’ na kaso ng pagpaslang sa lokal na mamamahayag ng Sorsogon na si Joebert ‘Polpog’ Bercasio na pinaslang noong Setyembre 14, 2020 at ang pinakahuli ay ang pamamaslang kay Percival ‘Percy Lapid’ Mabasa.

Kahit ang panawagan ay hustisya para sa 58, ang Sorsogon Media ay naninindigan din sa pagkakaisa sa manggagawa sa midya na hinaras, sinalakay at pinatay mula noong 2009 hanggang sa kasalukuyan.

Patunay sa panghaharas, tatlong lokal na midya sa Sorsogon ang sinampahan ng kasong libel subalit kalaunan ay inurong din ang naturang kaso.

Binigyan diin ng Sorsogon media na ang Maguindanao Massacre ay simbolo ng ‘’culture of impunity’’ sa mga pag-atake sa midya at sibilyan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *