LEGAZPI CITY – Nakuha na ng nasa 467 benepisyaryo ng Special Program for the Employment of Students (SPES) sa Albay ang kanilang sahod mula sa Provincial Treasurer’s Office.
Bawat isa sa kanila ay tumanggap ng PHP11,379 para sa 20 araw na kanilang pagtrabaho na may daily rate na PHP568.
Naipatupad ito sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Pamahalaang Panlalawigan sa pakikipagtulungan ng Provincial Cooperative, Enterprise, and Manpower Development Office (PCEMDO) at ng Public Employment Service Office (PESO) Albay.
Ayon kay PESO Chief Ely Salting, ang mga tatanggap ng payout ay itinalagang magtrabaho sa kani-kanilang barangay, na gumagawa ng mga gawaing ibinigay ng kanilang mga punong barangay.
Sasagutin ng DOLE-Albay ang 40% na sahod ng napiling isang daan (100) na SPES beneficiaries mula sa apat na raan animnapu’t pitong (467) nakalista. Makakatanggap sila ng P6,870.00 halaga ng suweldo mula sa PGA, samantala P4,509.00 mula sa DOLE.