Mahigit 500 na tagasuporta ng NPA sa Masbate nag-withdraw ng kanilang pagiging miyembro at suporta sa hukbo

SORSOGON CITY – Binawi ng mahigit 500 na indibidwal ang kanilang pagiging kasapi at suporta sa rebeldeng grupong NPA sa Masbate.

Sa pahayag ng 9th Infantry Division, Phil. Army, umabot sa 505 na miyembro ng NPA at tagasuporta ang sumurender sa kanilang hanay simula noong Hunyo 18 hanggang 28 nitong taon.

Kinabibilangan ito ng isang regular member ng NPA, 221 miyembro ng Sangay ng Partido sa Lokalida (SPL), 95 miyembro ng Militiang Bayan (MB), 36 na miyembro ng Barangay Revolutionary Committee (BRC), 84 na miyembro ng Ganap na Samahang Masa (GSM), 12 miyembro ng Grupong Pang-organisa sa Barrio o (GPB), 44 na miyembro ng Grupong Balangay (GB) at 12 tagasuporta.

Ang mga ito ay mula sa lungsod ng Masbate at sa mga bayan ng Palanas, Dimasalang at Mobo.

Kapansin-pansin na ang susod-sunod na pagsurender ng mga ito ay matapos ang naganap na pambobomba at pagpaslang sa magpinsan na Kieth at Noven Absalon sa Brgy Anas sa lungsod ng Masbate noong nakaraang buwan.

Nagpahayag ang mga ito ng kanilang matinding pagkadismaya sa nangyaring karumal-dumal na mga krimen na ginawa ng mga rebeldeng komunista.

Ang mass surrender ay iniugnay ng commander ng 2nd Infantry Battalion na si Ltc Siegfred Felipe Awichen sa patuloy at pinaigting na Community Support Program (CSP) ng kanilang hanay lalo na sa mga naidentipika nilang guerilla bases sa pangatlong distrito ng lalawigan.

Aniya, sa pamamagitan ng kanilang CSP operations, ang mga mamamayan ay  naging bukas na naipapahayag ang kanilang mga concerns pati na rin ang mga pangunahing isyu at problema ng kanilang mga komunidad sa koponan ng CSP kung saan ang huli ay ipinapaabot naman ang mga concerns ng mamamayan sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno para sa agarang solusyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *