CAMARINES NORTE- Nanindigan ang Provincial Health Office na hindi ito nagkulang sa kanilang adbokasiya para mas marami ang mabakunahan kontra COVID-19.
Sa gitna ito ng kabiguang maisailalim ang probinsiya sa pinakamababang Alert Level dahil hindi pa rin naabot ang 80 % vaccination coverage sa senior citizen.
Sa ngayon ay nasa ilalim pa rin ng Alert Level 2 ang Camarines Norte dahil nasa 75. 9 % pa lang ang vaccination coverage sa edad na 60 anyos pataas kahit naabot na ang 82. 8 % sa over- all target.
Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco marami na silang ginawang strategy at adbokasiya pero marami pa rin daw ang patuloy na tumatangging magpabakuna.
Sa datos ng Provincial Covid- 10 vaccination operation center nasa mahigit 74, 800 pa sa target population ng lalawigan ang wala pa kahit isang dose ng COVID- 19 vaccine.
Mababa pa rin ang nakatatanggap ng COVID- 19 booster shot na nasa 12. 4 % pa lang.
Kaugnay naman nito ay nagpalabas ng Executive Order si Governor Ricarte “Dong” Padilla nitong Huwebes, April 27 na nagpapaalala na sundin pa rin ang minimum public health standards kasabay ang panawagang magpabakuna at magpa booster.
Hinikayat din nito ang mga nakatatanda, may comorbidities, immunocompromised mga buntis, unvaccinated individuals at mga nakakaranas ng sintomas ng Covid- 19 na magsuot pa rin ng face mask.
Samantala muli namang kinalampag ng PHO ang mag LGU na mababa pa rin ang vaccination coverage.
Ani Francisco kung nagawa ng Daet, Basud, Capalonga, San Vicente at Talisay na maabot ang herd immunity ay bakit hindi magawa ng ibang bayan.
Ginawang halimbawa ng opisyal ang Daet na malaking munisipyo na sa ngayon ay nasa 99 % na ang over- all vaccination coverage at 98. 2 % na sa senior citizen.
Sa ngayon ang Paracale na may 67. 5 % vaccination coverage at Sta Elena na may 69.5 % ang may pinakamababang vaccination coverage sa lalawigan.
Tiniyak rin ng PHO na mayroong sapat na suplay ng bakuna sa lalawigan at ang kagustuhan lang talagang magpabakuna ng ilan ang problema.
