Mahigit isang libo katao nakilahok sa Provincial Launch ng BIDA program ng DILG kaninang umaga

CAMARINES NORTE – Umaabot sa 1, 200 katao ang nakiisa sa ginawang Provincial Launch ng Buhay Ingatan, Droga Ayawan o BIDA program ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lalawigan ng Camarines Norte na ginanap kaninang umaga.

Nagsimula ang aktibidad sa ginawang unity walk mula sa Bagasbas patungong Centennial Wharf sa pagputok pa lang ng liwanag na dinaluhan ng mga estudyante sa iba’t- ibang eskwelahan, Barangay Officials, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology.

Nagkaroon din ng bikecade para naman sa mga bike enthusiasts na umikot sa ilang lugar sa Daet at Mercedes.

Sa kaniyang mensahe nag iwan ng mahahalagang punto si DILG Assistant Regional Director Jhoaden Lucero kung paano magiging epektibo ang paglaban sa iligal na droga.

Aniya kailangan ang whole of nation approach at hindi dapat iasa lang ito sa gobyerno.

Naging “social cancer” na umano ang problema sa iligal na droga kaya kailangan ang pagtutulungan.

Ipinapaalala din umano maging ng bibiliya na ang ating katawan ay temple ng Diyos kaya hindi ito dapat hayaang masira lalo nan g iligal na droga.

Hinimok din ni Lucero ang bawat isa na suportahan ang mga Anti- Drug Abuse Council ng mga LGU sa pamamagitan ng pagpapaabot ng impormasyon sa mga nangyayari sa komunidad.

Sabi naman ni Governor Ricarte “Dong” Padilla na ang laban sa iligal na droga ay laban ng lahat.

Aniya, siya mismo at ng kanilang pamilya ay nakita ang problema sa iligal na droga kung paano patayin ang kinabukasan ng mga kabataan at relasyon sa pamilya.

Naniniwala rin ang Gobernador na kung magiging “vigilant” ang mga Barangay ay hindi magtatagumpay ang iligal na droga.

Hinimok din nito ang mga kabataan na huwag hayaang sirain ng droga ang kanilang kinabukasan at piliin ang magiging mga kaibigan.

Ayon naman sa Philippine Drug Enforcement Agency nasa 49 barangays na lang sa Camarines Norte o 18 porsiento ng 282 ang drug affected.

Noong isang taon nasa 32 high value target sa lalawigan ang naaresto sa anti- illegal drugs operations.

Nito lang buwan ng Marso ay 12 drug personalities ang nahuli sa tatlong operasyon sa Jose Panganiban na nagresulta sa pagkaka- dismantle ng drug den sa isang barangay doon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *