NAGA CITY – Muling nagtakda ng fuel subsidy distribution ang Department of Transportation sa mga public utility vehicles sa bansa, kabilang na ang nasa sektor ng tricycle drivers kaya ngayon pa lang ay inihahanda na ang mga requirements na posibleng hingin.
Sa Naga City, mahigit isang libong mga tricycles ang lehitimong rehistrado at muling umaasang mabibigyan na sila sa pagkakatong ito, matapos na mabigo sa unang pagkakataon.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Gil Belen, Barangay Kagawad at Federation president ng Trimobile Operators Drivers Association sa lungsod, sinabi niyang kinokompleto niya na ang mga kailangang dokumento ng kanyang mga kasamahan.
Agad siyang makikipag-ugnayan sa konseho para naman mapabilang sila sa mabibigyan ng naturang subsidiya mula sa pamahalaan.
Ipinaliwanag niya ang magiging proseso, tulad ng pag download ng pondo sa City Government at ito ang magpapatupad ng programa.
Sinasabing makakatanggap ng tig isang libong piso ang bawat tricycle drivers.
Umaasa sina Belen na sana sa pagkakataong ito ay makasama na sila dahil sila man ay apektado ng oil price hike hindi lang ang mga nasa jeepney transport groups.