Mahigpit na checkpoints at street lights na may CCTV Camera hiniling ng LGU Pili

NAGA CITY- Hiniling na ni Pili, Camarines Sur Acting Mayor Francis Belen sa pamunuan ng Pili Municipal Police Station ang mahigpit na check points sa kanilang bayan.

Ito ay kaugnay ng pamamaslang kay dating Konsehal Rodel Divinagracia, hindi pa nga nag-iisang buwan matapos na matagpuan sa Barangay Cadlan ang bangkay ng isang senior high school student.

Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Belen muli nitong binigyang diin ang importansya ng police visibility, pero batid niya na hindi ito kakayanin ng pulis kung kaya pupulungin ang mga barangay upang matulungang maingi ng mga barangay tanod.

Noong nagdaang linggo, bago ang insidente ng pamamaril-patay kay Divinagracia, nilakad na ang request sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Tourism (DOT) gayundin sa Office of the 3rd District Representative na magkaroon ng solar lights ang bayan. Hindi lamang basta solar lights kundi may nakakabit na CCTV camera.

Kung mapagbibigyan, maidadagdag ito sa binudgetan na ng LGU. Dagdag ng acting mayor napakabigat na ng singil sa kuryente kaya sana ay mapagbigyan sila para sa seguridad ng mga residente at dumaraan o pumupunta sa Capital Town.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *