Makamandag na ahas, natagpuan ng isang pamilya sa itinatayong Christmas tree

AUSTRALIA— Tuwing sasapit ang kapaskuhan, kaliwa’t-kanan ang nagiging paalala at abiso ng Department of Trade and Industry sa publiko na maging matalino at mapanuri sa pagbili ng mga Christmas decors, upang matiyak ang kaligtasan ng pamilya sa pagdiriwang ng kapaskuhan laban sa sunog at iba pang sakuna.

Ngunit sa bansang Australia, hindi lamang sunog ang nakaambang panganib sa isang pamilya habang sila ay nag-aayos ng kanilang Christmas decors, dahil isang makamandag na ahas ang kanilang natagpuan na nakapulupot sa itinatayong Christmas Tree.

Sa halip na tuwa, hilakbot at takot ang naramdaman ng isang pamilya sa Gulf view Heights Adelaide, habang nagtatayo ng Christmas Tree, dahil sa malaking brown venomous snake na kanilang natagpuan kasama ang mga garlands.

Dahil dito, agad na humingi ng saklolo ang naturang pamilya sa isang eksperto sa paghuli ng ahas sa kanilang lugar na si Jarrad Wayne.

Ayon sa snake handler na si Wayne, iyon ang unang pagkakataon na humuli siya ng ahas mula sa Christmas Tree.

Inabot ng isang oras bago niya ito nahuli dahil lubha itong peligroso dahil sa makamandag ito. Ganunpaman, ligtas itong nahuli ni Wayne habang wala namang nasaktan o napahamak mula sa nasabing pamilya.

Paalala pa ng eksperto sa mga taga Australia, mag-iingat sa mga makamandag na ahas ngayong panahon dahil tuwing buwan ng Disyembre hanggang Pebrero ang tag-init o summer season sakanilang bansa, at ito ang panahon kung kailan lumalabas ang mga ahas.### JUMEL DELA ROSA, BNFM Bicol

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *