Mambabatas, hinikayat ang mga producers na ipa-drug test ang mga artista

Isinusulong ngayon ng isang mambabatas ang pagkakaroon ng mandatory drug testing sa lahat ng mga celebrities at talents bago sila payagang bigyan ng proyekto.

Ito ay makaraang ma-aresto ang aktor na si Dominic Roco at apat na iba pa sa isang buy-bust opration sa Quezon City kamakalawa.

Ayon kay House Committee on Dangerous Drugs chairperson Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, dapat masigurong ‘drug-free’ ang lahat ng mga aktor at iba pang movie celebrities lalo na’t sila ay mga public figures at iniidolo ng publiko, kabilang na ang kabataan.

Hindi raw magandang halimbawa sa publiko ang paggamit nila ng ipinagbabawal na gamot, lalo na kung nagtutulak pa sila ng droga.

Humiling ito sa mga nasa industriya ng pelikula at entertainment na makipagtulungan sa kampanya laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng pagsisigurong magda-drug test na muna ang kanilang mga talents bago mabigyan ng proyekto.

Halos limang daang piso lang din naman daw ang drug test – higit na mababa kumpara sa ibinabayad na talent fees ng mga producer.

Maaari rin aniyang magkaroon ng periodic drug tests sa kasagsagan ng isang project para sa mga production staff.

Matatandaaang Sabado nang ma-aresto si Roco at ang mga kasamahan nito matapos mahulihan ng 15 gramo ng suspected shabu na nagkakahalaga ng P100,000; at 10 gramo ng suspected cush na nagkakahalaga ng P14,000.


Senador, hindi pabor na ipa-drug test ang mga celebrities bago mabigyan ng proyekto

Tagilid kay Senador Robinhood Padilla ang ginawang panukala ng ilang mga mambabatas na isailalim sa mandatory drug testing ng mga producer ang kanilang talents bago mabigyan ng proyekto.

Sa isang pahayag, sinabi ni Padilla na bagamat nakikiisa sila sa layuning protektahan ang mga kabataan mula sa mga banta ng iligal na droga – iniisip niya rin ang kapakanan ng mga kapwa niya artista.

Aniya, hindi raw maaaring obligahin ang kahit na sino man para magpa-drug test.

Diin ni Padilla, labag ito sa karapatang pantao ng isang indibidwal kaya mas mainam kung boluntaryo na lamang ito.

Pabor ang Senador kung ang mandatory drug testing ay gagawin sa mga government officials para magsilbing magandang halimbawa sa publiko.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *