Hinimok ni Pangasinan Rep. Mark Cojuangco ang Kamara usisain ang plano ng Dept. of Agriculture na bumili ng biofertilizer.

Kasunod ito ng pagpapalabas ng Memorandum Order No. 32 ng DA na nagtatakda ng guidelines sa pamamahagi at paggamit ng mga biofertilizers upang mapabuti ang rice production sa bansa.
Sa kanyang priviledge speech sa sesyon ng Kamara kahapon, sinabi ni Cojuangco na nabalitaan niya ang balak ng DA na bumili ng 2.5 billion pesos na halaga ng biofertilizers.
Nakakatakot aniya ang plano ng DA lalo na kung mauuwi sa panibagong “fertilizer scam” na bilyon-bilyong piso ang napunta lang sa bulsa ng iilang tao.
Nauna nang nagbabala ang Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG na maaaring magresulta sa fertilizer scam ang plano ng DA dahil hindi pa napapatunayang magreresulta sa mas mataas na ani at cost efficiency ang paggamit ng biofertilizers.
Sumulat na rin ang grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagsisilbi rin DA secretary at kay Sen. Cynthia Villar, na namumuno sa Senate committee on agriculture and food upang hingin ang kanilang immediate intervention upang bawiin ang MO 32.//CA