Mandatory home quarantine para sa mga uuwi sa Camarines Norte irerekomenda ng mga Alkalde sa Provincial Incident Management Team

Irerekomenda ng mga Alkalde sa Provincial Incident Management Team ang mandatory home quarantine para sa mga uuwi sa lalawigan ng Camarines Norte kahit mayroong negatibong resulta ng Antigen test.

Ang bagay na ito ay napag usapan sa isinagawang pagpupulong ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) Camarines Norte Chapter kahapon sa gitna na rin ng patuloy na banta ng COVID- 19 lalo na ngayong mayroong variants of concern.

Dati nang nagpapatupad ng ganitong polisiya ang ilang bayan tulad ng Vinzons, San Vicente at San Lorenzo Ruiz kaya’t napagkaisahan ng mga Alkalde na irekomenda sa IMT na ipatupad na ito sa buong lalawigan.

Ang mga hindi pa bakunado ay oobligahing sumailalim sa 14- day home quarantine habang ang mga nabakunahan na ay 7 araw lang.

Ipinaliwanag naman ni Acting Provincial Health Officer at Incident Commander for Health Dr. Arnel Francisco ang kahalagahan ng ganitong hakbang.

Aniya sa loob kasi ng lima hanggang pitong araw ay mataas nang masyado ang viral load kaya kapag isinailalim sa Rapid Antigen Test ay magpopositibo ito kung talagang positibo.

Kung maipapatupad umano ang home quarantine ay maiiwasan ang pagkalat ng virus dahil hindi magpupunta kung saan- saan ang tao.

“Bakit 7 days po, within that days kasi 5- 7 days yung viral load kasi mataas nang masyado kaya kapag pina Rapid test mo siya, pag positive talaga siya, positive po siya ano, so yun po yung significance nun, kaysa naman galing dun sa Tuaca o galing dun sa Tabugon 1 day lang ikot- ikot dito baka after 5 days positive na siya naghawa na siya, so mas maganda ngayon yung strategy ng bawat munisipyo na i quarantine talaga na 14 days sana, 14 days sana eh pero payag na rin ako ng 7 days if depende nga yan sa mga munisipyo,” ani Francisco.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *