Kinumpirma ng House Committee on Welfare of Children na habambuhay na pagkakakulong at multang hindi bababa sa P2 milyong piso ang parusang ipapataw sa mga taong masasangkot sa child prostitution, at iba pang uri ng sexual abuse sa mga bata.
Ito ay matapos pagtibayin ng komite ang substitute bill na naghahangad ng mas mabigat na parusa laban sa child abuse, exploitation at discrimination.
Aamyendahan ng isinusulong na panukala ang RA 7610 o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Maliban sa naturang parusa, apat na taong pagkakakulong at P50,000 hanggang P100,000 multa naman ang ipapataw sa lahat ng uri ng diskriminasyon na gagawin sa mga batang miyembro ng indigenous cultural communities.