‘Mental health awareness and safe places for children with special needs’ adbokasiya ng Albayana beauty sa pagsali sa Miss World PH 2022

BNFM BICOL– Adbokasiya ng kandidata at pambato ng Albay na si Paula Ortega ang ‘Mental Health Awareness and Safe Places for Children with Special Needs’ sa pagsali sa Miss World Philippines 2022.

Sa panayam ng Brigada News FM-Bicol sa kandidata, sinabi nitong nais niya na magkaroon ng ligtas na lugar para mga batang may espesyal na pangangailangan, at ang pagpapalakas ng mental health awareness partikular ang pakikipaglaban sa depresyon na nararanasan ng marami ngayon dahil na rin sa epekto ng pandemya.

Aniya, malaki ang maitutulong ng kaniyang adbokasiya upang mapabilang sa 36 na kandidata ng nasabing pageant.

Dagdag pa ni Ortega, kumpiyansa ito na makukuha niya ang korona bilang Miss World Philippines dahil sa kanyang kakayahan at sa suporta na ibinibigay ng kanyang kapuwa Bicolano.

Taong 2017 nang magsimulang sumali sa mga beauty pageant si Ortega kung saan lumahok ito sa Mutya ng Ibalong, Miss Bicolandia at sumali na rin ang kandidata sa Miss Universe Philippines 2020.

Samantala, lumaki at nagtapos ng kursong Medical Lab Technician  si Ortega sa Barcelona, Spain kasama ang kanyang magulang na parehong tubong Ligao City sa lalawigan ng Albay.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *