Mga ahensya ng Gobyerno, todo-handa na para sa buhos ng mga pasahero ngayong Undas

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magkakaroon ng high police visibility sa iba’t-ibang lugar sa bansa kasabay ng paggunita ng Undas ngayong taon.

Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Police Col. Redrico Maranan, Chief ng Public Information Office ng PNP na dahil aasahan ang pagdagsa ng maraming tao sa mga sementeryo, terminal, pantalan at paliparan, magiging mas mahigpit din ang kanilang seguridad.

Ayon kay Col. Maranan, sa ngayon ay nakadeploy na ang 17,000 na mga pulis partikular sa Metro Manila at dahil naka-full alert naman aniya ang buong bansa, mananatiling nakaduty ang lahat ng kapulisan simula ngayong Undas.

Sinabi ni Maranan na nagkaroon na rin sila ng coordination meeting o pagpupulong sa ilang ahensya ng gobyerno at sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat sa paggunita ng Undas.

Kaugnay nito, naghahanda na rin ang Paranaque Integrated Terminal Exchange o PITX ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero’t mga mananakay

Sinabi ni PITX Corporate affairs and gov’t. relations head Jason Salvador na inaasahan nila ang nasa 150,000 na mga pasahero akada araw simula ngayong weekend.

Nakikipag-ugnayan na rin daw sila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para masigurong hindi kukulangin ang mga biyahe ng bus at iba pang pampublikong sasakyan.

Samantala, nagtalaga rin ang PITX ng mga ‘anti-COVID’ ambassadors sa kanilang terminal.

Ito ay para masigurong ligtas ang mga biyahero mula sa nakahahawang virus, at para matiyak na nasusunod pa rin ang mga minimum public health standards.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *