Mga APOR mula NCR at karatig na mga lalawigan, pahihintulutan nang makapasok sa Catanduanes simula ngayong araw

BICOL—Inanunsiyo ng pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes na simula ngayong araw,  May 15 ay pahihintulutan nang makabyahe at makapasok sa islang lalawigan ang lahat ng mga Authorized Persons Outside Residence o mga APOR na magmumula sa Metro Manila, Cavite, Bulacan, Laguna at iba pang karatig na mga probinsiya.

Ito ay alinsunod na rin sa deklarasyon ng palasyo at ng National IATF na isailalim sa General Community Quarantine o “GCQ with heightened restrictions” ang NCR + bubbles simula ngayong May 15 hanggang May 31, 2021.

Ganunpaman, mananatiling sarado ang border ng probinsiya sa mga LSI at ROF na magmumula sa mga nasabing lugar habang nananatiling essential travel lamang ng mga APOR ang pahihintulutan sa lalawigan.

Kaugnay nito, muling ipinaalala sa publiko ng lokal na pamahalaan na kailangang mas maging maingat ang lahat at manatiling sundin ang mga ipinatutupad na health and travel protocols lalo na at patuloy din sa pagtaas ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa islang probinsiya.

Inaabisuhan naman ang lahat ng mga APOR na ihanda ang mga kaukulang dokumento at sumunod sa S-PaSS system na kasalukuyang umiiral ngayon sa lalawigan ng Catanduanes.##

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *