LEGAZPI CITY – Inihayag ng Municipal Health Office ng Sto. Domingo, Albay na sa mga priority groups, mga bata ang mahirap bakunahan laban sa sakit na COVID-19.
Ito ay kinumpirma ni MHO Public Nurse, Lorraine Amador, sa Brigada News FM Legazpi. Aniya, mababa ang vaccination coverage rate sa mga bata dahil na rin sa kanilang mga magulang.
Takot at nagdududa pa rin kasi ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa nasabing sakit, dahil baka ano pa umano ang idulot nito sa kanila.
Ayon sa kanya, mas mataas ang coverage ng pagbabakuna sa mga senior citizen kaysa sa mga bata.
Subalit sa kabila umano nito, patuloy pa rin naman ang kanilang panawagan at pagpapaliwanag na ligtas ang mga bakuna kahit sa mga bata.
Kailangan din umano ito ng mga bata dahil sila ay pumapasok sa mga paaaralan, na mas prone umano sa COVID-19 lalo pa’t dumarami na naman ang mga kaso nito.