NAGA CITY – Isa sa mga naging pangunahing paksa sa isinagawang GovTalk 2023 ng Civil Service Commission (CSC) Region V ang mga benepisyo at limitasyon sa paggamit at pagkakaroon ng Artificial Intelligence (AI) sa mga pampublikong sektor ng komunidad.
Ang Artificial Intelligence (AI) ay isang makina o software kung saan maaaring matapatan o mahigitan ang kakayahan ng tao na makapagdesisyon at makaisip ng solusyon sa mga problema.
Nabanggit ni CSC Region V Acting Head of IT Group, Alvin Rosero sa kanyang pagtalakay ang iba’t-ibang benepisyo nito tulad ng maaari itong maging kapalit ng tao sa mga repetitive tasks, mas madaling access sa impormasyon at mga serbisyo, mas mahigpit na public safety, mas mabilis na paggawa ng mga desisyon, financial reports at iba pa.
Sa kabilang banda, ang paggamit at pagkakaroon ng AI ay may limitasyon din tulad ng maaaring maisaalang-alang ang data privacy, kulang sa pagiging ethical at responsable sa mga gawain kagaya ng sa sektor ng kalusugan at pagreresponde.
Dagdag pa ni Rosero, magiging epektibo at produktibo ang mga makabagong teknolohiya kung ang mga ito ay magagamit sa kapaki-pakinabang na paraan.