CAMARINES NORTE – Hinimok ng simbahan ang mga dadalo sa Misa ng Diocese of Daet sa Miyerkules, September 13 na magsuot ng kulay “green” na damit.
Gagawin ang Diocesan Mass ng Daet alas 6 ng umaga sa Naga Metropolitan Cathedral na pangungunahan ni Bishop Rex Andrew Alarcon sa ika- anim na araw ng Misa Nobenaryo sa karangalan ni Ina, Nuestra Señora de Peñafrancia.
Sa mahabang panahon ng pagdedeboson kay Ina sa tuwing Diocesan Mass ng Daet ay kulay pula ang isinusuot na damit ng mga deboto mula sa Camarines Norte.
Pero ngayong taon ay kulay green na damit ang susuutin dahil ito ang opisyal na kulay ng ikatlong taong paghahanda sa Golden Jubilee Celebration ng Diocese of Daet na binuksan noong August 28.
Wala ring misa sa halos lahat ng parokya ng Diocese simula bukas ng hapon dahil magtutungo na ang mga kaparian sa Naga City para sa Union of Bicol Clergy (UBC).
Bukas ng hapon gagawin ang formal opening ng UBC na dadaluhan ng mga kaparian sa buong Bicol Region kasama ang Military Ordinariate of the Philippines.
Ang UBC ay formation at sports fest ng mga pari sa Bicol na taon- taong ginagawa tuwing sumasapit ang kapistahan ni Ina.
Inaasahang magre-resume ang normal schedule ng mga liturgical celebration sa karamihang mga simbahan sa lalawigan sa Sabado, September 16.
