Mga deboto ni Inang Peñafrancia nag-abang sa Fluvial Procession kaugnay ng Peñafrancia de mayo

NAGA CITY- Nag-abang ang mga deboto ni Nuestra Señora De Peñafrancia  ang “Ina” ng Bicolandia sa Fluvial Procession kaugnay ng Peñafrancia De Mayo.

Malayo man ang bilang kumpara kapag Setyembre, kita ang tuwa sa kanilang mga puso dahil matapos ang dalawang taon , muling nakapagdiriwang.

Sa kasagsagan ng misa sa Naga City People’s Mall kung saan nanatili ang imahen ng birhen ng ilang araw sa kaniyang “pangsungko” o pagbisita, bumuhos ang malakas na ulan na ikinatuwa pa ng marami dahil madaragdagan pa ang tubig sa Naga River kung saan daraan ang pagoda ni Ina. Kita ang ilang mga pamilya na nagwawagayway ng panyo at nagsindi ng kandila kasabay ng pag-awit ng Resuene Vibrante.

Ayon kay Archdiocese of Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, ikinatutuwa ng simbahan na sa muli ay nagtitipon dahil sa pananampalataya.

Ang Mayo ay buwan ni Birheng Maria, ang okasyon ay inilaan din para sa mga kababaihan na hindi nakikipagsabayan  sa mga voyadores tuwing Traslacion at Fluvial Procession tuwing Setyembre. Sadyang sa NCPM din ito nanatili ng ilang araw mula sa Basilica Minore para naman sa mga negosyanteng abala rin sa nasabing buwan.

Una nang sinabi ng Parish Pastoral Council na ito ay paghahanda rin sa okasyon sa Setyembre na noong wala pang pandemya daang libong deboto at bisita ang pumupunta.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *