Patuloy na isinusulong ni Senador Cynthia Villar sa Senado ang pagsasabatas ng Senate Bill No. 2432 o “Anti-Agricultural Economic Sabotage Act”.

Sa ilalim ng nasabing panukala, ituturing na krimen o economic sabotage ang hoarding, profiteering at cartel o pag-iipit o pagkokontrol ng mga angkat na produktong agrikultural tulad ng bigas, sibuyas at asukal.
Ayon kay Villar, kukumpiskahin at magiging pagmamay-ari na ng gobyerno ang anumang eroplano, barko, truck, bodega at containers na mapapatunayang ginamit sa pagsasagawa ng smuggling at hoarding.
Ang kikitain naman sa pagbebenta ng mga smuggle na produkto ay gagamitin sa pagbibigay ng reward o insentibo sa mga operatiba na uusig dito.
Maalala, ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), ang smuggling ang dahilan kung bakit nawawalan ng mahigit dalawang daang bilyung pisong kita taun-taon ang gobyerno.