Mga kandidato sa PCL elections ngayong araw bibigyan ng pagkakataong magsalita bago magsimula ang botohan

CAMARINES NORTE- Bibigyan muna ng pagkakataong magsalita ang bawat isang kandidato sa gaganaping Philippine Councilor’s League (PCL) elections ngayong araw sa lalawigan ng Camarines Norte bago gawin ang aktuwal na botohan.

Ito ang inihayag ni Local Government Operations Officer VII at PCL Comelec Head Secretariat Jerwin Novio sa naging panayam ng Brigada News FM Daet.

Ayon kay Novio, bibigyan ng maximum na tatlong minuto ang bawat kandidato para magsalita.

Mayroon din aniyang itinalagang lugar sa venue para maglagay ng campaign poster kung mayroon s amga itong magpapagawa ng tarpaulin.

Tulad ng karaniwang eleksyon ay mayroong secrecy folder kung saan nakalagay na rin ang listahan ng mga kandidato na may kasamang litrato.

Mayroong 15 posisyon ang ihahalal mula Pangulo hanggang Business Managers at walong Board of Directors kung saan dalawang grupo ang maglalaban.

Ito ay ang grupo ni Labo Councilor Rey Kenneth Oning na kilalang kaalyado ng kasalukuyang administrasyon at Jose Panganiban Councilor Grace Villablanca na kaalyado naman ng dating Gobernador.

Samantala, inihayag din ni Novio ang mahalagang papel na gagampanan sinuman ang mapiling Pangulo ng PCL.

Uupo ito bilang ex officio member ng Sangguniang Panlalawigan na may kahalintulad na karapatan, pribelihiyo at benepisyo ng isang karaniwang Board Member.

Kung mananalo si Oning ay nangangahulugan ito na madaragdagan ang bilang ng administration Board Members.

Sa ngayon ay dominado pa rin ang SP ng mga Bokal na kaalyado ni dating Governor Edgardo Tallado.

Leave a Reply

Your email address will not be published.