Mga kumukuha ng police clearance sa PNP Cauayan City, dagsa pa rin

Dagsa pa rin ang mga nagtutungo sa Cauayan City Police Station para kumuha ng Police Clearance sa ikalawang linggo ng buwan ng Enero ngayong taon.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PLt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng PNP Cauayan, sinabi niya na nasa 80-100 na katao ang kanilang naa-accommodate kada araw at nadagdagan pa ito sa ngayon.

Aniya, “first come, first serve basis” ang ipinapatupad na panuntunan kung saan nagbibigay sila ng number bawat aplikante.

Ayon kay PLt. Topinio, inaasahan na ito aniya dahil ngayong unang buwan ng bagong taon ay kinakailangan ng pagre-renew ng business permit, mga naghahanap ng trabaho at iba’t-iba pang purposes.

Sinabi niya na para sa first step upang makakuha ng police clearance ay kailangang maglog-in online sa pnp.gov.ph kung saan mayroong mga pupunang impormasyon.

Pagkatapos ay makakakuha ng reference number na siyang gagamitin para sa pagbabayad ng police clearance fee sa mga bayad center na nagkakahalaga ng 160 subalit nakadipende rin aniya kung may ipapataw na charge fee ang mga bayad center.

Kunin lamang ang katibayan ng pinagbayaran at magtungo na sila sa PNP para sa pagkuha ng biometrics.

Para naman sa mga nahihirapan sa pagreregister online ay mayroon aniyang mga nakapwestong registration area sa istasyon para maasistihan ang mga ito.

Minsan lang aniya ay nakakaranas ng ‘down’ sa system subalit inirereport naman nila ito at naaagapan kaagad.

Ayon pa kay PLt. Topinio, posibleng hanggang sa buwan pa ng Pebrero aabot ganitong senaryo sa pagkuha ng police clearance.

Tiniyak naman nila na nasusunod ang mga health protocols bilang pag-iingat sa COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *