Mga LGU hinihikayat na magdagdag ng vaccination sites; supply ng bakuna hindi na problema ayon sa DOH 12

KORONADAL CITY- NASA 16.50% o 575,766 pa lamang ng target na 3,490,115 adult population sa region 12 ang fully vaccinated laban sa COVID 19.

Ito ang inihayag ni Dra. Edvir Jane Montañer, regional immunization program manager ng Department of Health o DOH 12 batay sa datos noong October 11.

Ayon kay Montañer na umabot na sa 1,196,571 na mga COVID 19 vaccines ang kanilang naiturok simula noong buwan ng Marso, kung saan 620,805 sa mga ito ang naibigay bilang unang dose.

Dahil dito, hinihikayat ng opisyal ang mga local government units na paigtingin pa ang kanilang vaccination campaign at magdagdag ng mga vaccination sites upang mapabilis ang pamamakuna.

Napag-alaman na kailangang makabakuna ang DOH 12 ng 33,752 na mga indibidwal kada araw upang maabot ang target na 70% herd immunity bago matapos ang taon.

Binigyang diin din ni Montañer na hindi na problema ang alokasyon ng COVID 19 vaccines dahil marami na umanong supply ang dumarating sa rehiyon.

Sa katunayan ayon sa opisyal, may naka-standby ngayon na 158,059 doses ng bakuna sa Soccsksargen na kinabibilangan ng Sinovac, Moderna Pfizer at Sinopharm.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *