Mga LGU na tinamaan ng ASF sa Region 2, naghahanda na para sa deklarasyon ngASF free

Pinaghahandaan ng mga Local Government Unit sa Lambak ng Cagayan na naunang tinamaan ng African Swine Fever ang deklarasyon ng ASF free sa kanilang nasasakupan.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Regional Director Narciso Edillo ng DA Region 2, sinabi na mayroon ng mga lugar sa rehiyon ang kasalukuyang pinaghahandaan na ang pagdedeklara ng pagiging ASF free ng mga ito.

Aniya, pangunahin na rito ang mga munisipalidad o syudad na hindi na nakapagtala ng kaso ng ASF sa nakalipas na nagdaang limang buwan.

Ayon sa kaniya, karamihan sa mga bayan ay mula sa lalawigan ng Isabela na unang tinamaan ng naturang virus sa mga alagang baboy kabilang na rito ang bayan ng Roxas, Mallig at Echague, Isabela.

Mayroon na rin aniya sa mga probinsya ng Cagayan, Nueva Vizcaya at Quirino.

Ayon pa kay RD Edillo, una ay kinakailangan aniyang maisalalim ang mga piggery na 5 buwan ng hindi nakapagtala ng ASF sa bioenvironmental scanning kung saan susuriin ang mga kulungan ng baboy.

Aniya, wala nang dapat mga piggery na lupa pa ang flooring at  kailangan aniya ay sementado na ang mga ito o dapat wala ng mga parte na naii-stock ang tubig dahil gustong-gusto aniya ng mga virus ang ganitong lugar.

Pagkatapos nito ay kailangan aniyang isagawa ang regular na disinfection lalo na sa mga backyard sa loob ng isang buwan at namimigay naman aniya ang LGU ng disinfectant o maaring mag-request ang lokal na pamahalaan sa DA.

Paliwanag pa niya na sa loob ng isang buwan na iyon ay kukuha ng sample sa mga dingding o flooring sa pamamagitan ng city at provincial veterinary para isailalim sa swabbing at kapag nagnegatibo ito sa ASF ay irerekomenda na nila ang pag-aalaga ng 10% ng populasyon sa naturang kulungan.

Aniya, pagkalipas ng 40-45 days at buhay ang naturang sentinel pig ay kukuhanan ito ng sample para i-examine at kapag negatibo sa ASF ay doon naman irerekomenda na maari nang dagdagan ang aalagaang baboy.

Nilinaw din ni RD Edillo na ginagamitan ito aniya ng siyentipikong istratehiya kung saan mayroong sinusunod na radius para sa sampling.

Payo pa ng director sa mga magbababoy na dapat ay sundin ang biosecurity at mga protocols upang makaiwas sa ASF gayondin ang pag-enrol sa insurance sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) bilang paseguro sa kanilang mga aalagang baboy.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *