CAMARINES NORTE- “Tanim muna bago Kasal”!
Oobligahin na ng Lokal na Pamahalaan ang mga magkasintahan o magkapareha sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte na magtanim ng puno bago payagang magpakasal.
Ito ay matapos na maaprobahan sa ikatlo at huling pagbasa ng Sangguniang Bayan nitong Martes, March 7, ang “Mercedes Plant a Love Tree Ordinance na iniakda ni Councilor Colen Ibasco.
Sa ilalim ng ordinansa, mabibigyan lang ng Pre- Marriage Counseling Certificate ang magkasintahan na nagnanais magpakasal kapag nakapagtanim ng hindi bababa sa sampung puno na irerehistro sa kanilang pangalan.
Ang seedlings ay mangagaling sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) na nagkakahalaga ng sampung piso bawat isa na babayaran naman sa Municipal Treasury o maaari din namang sariling seedlings basta ito ay mabubuhay na.
Ang hindi pagtalima sa naturang probisyon ng ordinansa ay ground para hindi bigyan ng Marriage License ang magkasintahan.
Kailangang magtatag ng Tree Nursery ang LGU kung saan aalagaan ang native trees o introduced species, fruit- bearing trees, beach trees o mangrove seedlings para sa Mercedes Plant a Love Tree program.
Sa ilalim ng programa ay kailangang mag- develop ng mga lugar na pagtataniman tulad ng mga nasa malalapit sa ilog at sapa, school compounds, communal forests sa barangay, community watersheds, lupang pag- aari ng LGU tulad ng housing relocation sites, mga natukoy na barangay forests o tree parks at iba pang eligible areas na nakasaad sa ordinansa.
Maari ring pumili at magtatag ng kanilang sariling lugar na patataniman ang Barangay para idi- develop na tree planting area.
Ang mga magkasintahan na piniling magtanim sa kanilang Barangay Tree planting area ay kailangang idokumento ng Barangay at mag- iisyu ng certification.
Kailangan ang proof of activity tulad ng litrato at video.
