Mga manggagawa sa Region 12 may P 32 wage increase

KORONADAL CITY- APRUBADO na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) Region 12 ang P 32.00 na umento sa arawang sahod ng mga minimum wage earners sa rehiyon 12.

Ayon kay RTWPB 12 Secretary Jessie Dela Cruz na ipatutupad sa dalawang tranche ang wage increase kung saan ang first tranche na P 16.00 ay magiging epektibo pagkatapos ng 15 days publication nito sa local newspaper.

Ang second tranche na P 16.00 ay magiging epektibo naman sa September 1, 2022.

Dahil dito, ang minimum wage sa Soccsksargen ay magiging P 368.00 na para sa non-agriculture sector at P 347.00 naman sa agriculture, service, at retail establishment sectors.

Ang approved wage order ay isusumite ng RTWPB 12 sa National Wages and Productivity Commission para sa review at affirmation bago ito ilathala sa pahayagan.

Ipinaliwanag naman ni Dela Cruz kung bakit P 32 lang ang inaprubahan at hindi P 52 na siyang isinusulong ng Trade Union Congress of the Philippines o TUCP.

Aniya, ikinonsidera ng board sa pagdesisyon ang kapasidad ng mga employers lalo na’t maraming mga kompanya at establisemento ang naapektuhan ng COVID 19 pandemic at ilan sa mga ito ay kabubukas lang muli.

Ngunit ayon sa opisyal na ang P 32 na umento ay sapat na upang makadagdag sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga manggagawa sa gitna ng tumataas na presyo bng mga bilihin.

Binigyang diin din ni Dela Cruz na ang umento ay mas mataas sa 2018 poverty threshold ng Soccsksargen.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *