KORONADAL CITY- MAKAKATANGGAP ng P 35 na umento sa sahod ang mga minimum wage earners sa Soccsksargen region.
Ito ang inihayag ni Department of Labor and Employment o DOLE 12 Regional Director Joel Gonzales matapos na pinagtibay ng National Wages and Productivity Commission ang Wage Order No. RB XII – 23 na ipinalabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board o RTWPB 12 na kasalukuyang inilalathala sa local news paper.
Magiging epektibo sa October 16, 2023 ang P22 na unang tranche ng wage increase habang sa January 1, 2024 naman ang effectivity ng second tranche na P 13.

Pagkatapos ng full implementation, ang daily minimum wage rate sa Region 12 ay magiging P 403 na sa non-agriculture sector, at P 382 naman sa agriculture, service at retail sector.
Ayon kay Gonzales na ginawang batayan ng P 35 na increase ang tumataas na presyo ng mga bilihin at basic commodities, inflation, poverty incidence at kakayahan ng mga employers na magbayad ng sahod ng kanilang empleyado.
Hinati sa dalawang tranche o installment ang umento sa sahod upang mabigyan ng pagkakataon ang mga employers na makapag-adjust. Mahaharap sa kaukulang kaso ang mga employers na hindi susunod sa bagong wage order.