Inanunsiyo ni Japanese Ambassador to the Philippines Kazuhiko Koshikawa na papunta na sa Pilipinas ang ilang eksperto mula sa kanilang bansa para tumulong sa cleanup operations sa mga lugar na apektado ng Mindoro Oriental oil spill.

Sinabi ng envoy na ang team ay bubuuin ng mga eksperto sa pagkontrol ng langis mula sa Japan Coast Guard.
Matatandaang lumubog sa karagatang sakop ng Naujan sa Oriental Mindoro noong Feb 28 ang MT Princess Empress na naging sanhi ng pagbuhos ng 800,000 litro ng industrial oil sa dagat.
Tinataya ng University of the Philippines Marine Science Institute na nasa 20,000 ektarya ng coral reef, 9,900 ektarya ng bakawan at 6,000 ektarya ng seagrass ang maaaring maapektuhan ng oil spill.//CA